Mga maikling kwento - SI INDAY AT ANG BATANG PASAWAY Part 7



Mga maikling kwento
Maikling Kwento - SI INDAY AT ANG BATANG PASAWAY Part 7 

“Walang nagpupunas ng pawis ko, naglalagay ng pulbos at nagpapalit ng malinis na damit. Ang dumi at ang baho ko na, tuloy pati kaibigan ko ay pinagtawanan na ako.”

Nang sumunod na araw ay kina Betchay na muna ako dinala ng mommy ko bago sila pumasok sa trabaho ni daddy. Kaso, di rin kami makalaro ni Betchay, kasi lagi kaming pinagbabawalan ng mommy niya na maghabulan at magtakbuhan. Madalas ay nakaupo lang kami at pinababasa ng mga aklat. Kapag naglikot daw kami at lumabas ng bahay ay mapapalo kami. Hayy naku, mas mabuti pa pala kapag si Inday ang kasama ko!

Kinabukasan, walang pasok si mommy. Anong saya ko dahil pinagbihis niya ako at kami raw ay may pupuntahan. Medyo nainip ako sa tagal nang biyahe, buti nalang dinala ko ang paborito kong teddy bear.

Hanggang makarating kami sa aming pupuntahan at ako ay nagulat. Nagpunta kami sa bahay ni Inday.

Mas lalo akong nagulat nang malaman ko kung bakit biglang nawala si Inday.

Nagkasakit pala ang anak niya!

“May anak pala si Inday!”

At nakita ko nga ang anak ni Inday na si Maya at halos kasing edad ko s’ya.

Sabi pa, napabayaan daw si Maya ng taong nag-alaga sa kanya. Hindi raw kasi naasikaso ang pagkain kaya nagkasakit.

Ipinakilala ako ni Inday kay Maya. “Siya ang anak ng amo ko, ang alaga ko, si Jeng-jeng.”


Nginitian ako ni Maya at sinabing “Ikaw pala si Jeng-jeng, sabi ng nanay ko mabait ka raw at matalino.”