Maikling kwento tagalog - SI INDAY AT ANG BATANG PASAWAY Part 8



Maikling kwento tagalog - SI INDAY AT ANG BATANG PASAWAY Part 8

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko kasi malaman kung ano ang iisipin at isasagot sa sinabi ni Maya.

Ang alam ko lang, bigla akong naawa kay Maya, kung kaya’t ibinigay ko na lang ang teddy bear ko sa kanya.

Tuwang-tuwa na agad niyakap ni Maya ang teddy bear.

Sa tuwa ni Inday ay nayakap ako.

“Salamat Jeng-jeng ha! Ngayon lang nagkaroon ng ganyang kagandang laruan si Maya.”

Bigla akong naiyak, di ko maintidihan kung bakit. Sa hiya ko ay isinubsob ko na lang sa kandungan ng mommy ko ang aking mukha. Naramdaman ko na hinimas ng mommy ko ang buhok ko.

Nasa bahay na kami, nakahiga na ako sa kama ko ay nasa isip ko pa rin si Maya at si Inday. Hanggang sa naiyak ako, kasi naisip ko, habang inaalagaan pala ako ni Inday ay malayo siya kay Maya at napapabayaan ito.

“Napakasuwerte ko pala dahil may mommy na ako na araw-araw kong nakikita, nariyan pa si Inday na nag-aalaga sa akin.” ang sabi ko sa sarili.

Makalipas ang isang linggo, nagbalik na si Inday sa bahay dahil magaling na si Maya at nakakita na raw si Inday ng taong mag-aalaga dito.

Isang gabi, bago matulog ay pumunta ako sa kusina upang uminom sana ng tubig, nang di sinasadyang narinig ko ang pag-uusap nila mommy at Inday na naroroon pala.


“Ba’t umiiyak ka na naman Inday?” tanong ni mommy “Dinumihan na naman ba ni Jeng-jeng ang mga nilinis mo? Sinigawan ka na naman ba niya?”